FAQ

Mga Pagkalahatang Katanungan

Ano ang proyekto ng Open Doors?

Ang proyekto ng Open Doors ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ay nakatuon sa pangangalaga ng mga hangang-katha para sa hinaharap. Layunin namin na pangalagaan ang mga fannish na proyekto na maaaring mawala dahil sa kakulangan ng oras, interes, o ng iba pang kailangan ng kasalukuyan nitong tagapangasiwa.

Ano ang inyong Palatuntunan ng Serbisyo para sa mga proyekto ng Open Doors?
Bakit kailangang dumaan muna sa Open Doors ang mga pag-aangkat ng artsibo sa AO3?

Napakahalaga sa OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) at Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) na magkaroon ang mga orihinal na manlilikha ng anumang hangang-katha ng buong kredito at kontrol sa kanilang katha hangga’t maaari. Mayroong mga kagamitan at pamantayang pamamaraan ang Open Doors upang masiguro na ginawa ang lahat ng makatwirang hakbang upang makontak ang mga manlilikha bago at pagkatapos mai-angkat ang kanilang mga katha sa AO3 (upang malaman nila ang nangyayari at magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa amin kung kinakailangan), magkaroon ng buong kredito ang lahat ng mga manlilikha, at laging magkaroon ng pagkakataon ang mga manlilikha na angkinin/burahin/ulilain/baguhin ang kanilang mga katha ayon sa kanilang nais.

Sino ang maaaring magmungkahi ng mga artsibong pangangalagaan ng Open Doors?

Maaaring magmungkahi ang kahit sino ng artsibong pangangalagaan, kahit ang mga taga-angkat, tagapamahala, manlilikha o mambabasa. Kaya, kung may alam kang artsibong nagsara o naging offline na, o may di tiyak na hinaharap, ipaalam ito sa amin gamit ang aming contact form.

May iba pa akong mga katanungan! Saan ko maaaring itanong ang mga ito?

Maaari kang makipag-ugnayan sa komite ng Open Doors.

Para sa mga Fan na may Kathang Isinilid

Inilagay ko ang aking katha sa sisidlan na ngayon ay bahagi ng Open Doors. Kung ayaw ko na nandoon ang aking katha, maari ba itong alisin?

Oo naman. Tignan ang “Paano ko makuha ang kontrol ukol sa aking mga imported na katha?”. Nais din naming makipagtulungan sa iyo nang makahanap tayo ng ibang solusyon maliban sa pagbura ng iyong katha, upang manatili ang iyong katha bilang bahagi ng sisidlan sa paraang pinakakomportable para sa iyo. Gaya ng nakasulat sa itaas, maari mong piliin na “ulilain” ang iyong katha, na kung saan mananatili sa sisidlan ang iyong katha ngunit mabubura ang mga impormasyon ukol sa iyo na gusto mong alisin.

Bakit biglaang nasa AO3 ang aking katha?

Dahil ang tagapangalaga ng sisidlan kung saan ka bahagi ay nagpasyang lumipat sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Bagamat ang mga kagamitan sa AO3 ay nakalaan na magbigay ng kontrol hangga’t maaari sa indibidwal, sa kaso ng mga malalaking sisidlan, naniniwala kaming may responsibilidad at awtoridad ang tagapangalaga sa mga kathang naroon. Ang mga tagapangalaga ang siyang naglilipat ng sisidlan sa ibang server, nagu-update ng software na nagoorganisa sa mga katha, naglilipat ng webhosting at iba pa, upang panatilihing buhay, online, at magkakasama ang mga katha. Ang paglipat at pag-back up ng koleksyon sa AO3 ay isa lamang paraan kung saan mapapanatili ang aksesibilidad ng sisidlan sa matagal na panahon. Ang tagapangalaga rin ang siyang patuloy na mamahala sa koleksyon hanggang nais niya, at ang magbibigay ng tuntunin at iba pa. Gayunpaman, kung ninanais ng indibidwal na taga-hanga na alisin ang kanilang katha sa sisidlan o sa AO3 mismo, madali itong gawin; ayon sa ibaba.

Paano ko malalaman kung ang sisidlan kung nasaan ang aking katha ay ililipat sa AO3?

Bago kami maglipat ng sisidlan, magpopost kami ng anunsyo sa Archive of Our Own – AO3 (Translation) news blog, transformativeworks.org blog, OTW’s (Translation) Dreamwidth and LiveJournal News Journals, Tumblr, and the AO3 Twitter account: @ao3org. Ihihikayat din namin ang tagapangasiwa ng sisidlan na ililipat na ibahagi sa dating sisidlan ang paglipat (kung maaari) at sa ibang mga lugar kung saan maaaring makita ang balita. Dahil madalas na naglipat o nag-iba ng contact ang mga users ang mga sisidlan na pinapanganib, hindi kami makakasiguro na lahat ng apektado ay makakaalam bago ang paglipat, ngunit ibabalita namin sa lahat ng aming makakaya,

Paano ko malalaman kung kailan malilipat ang katha ko sa AO3?

Habang naglilipat, may email na ipapadala sa bawat user na may katha dito. Ang mga email na ito ay ipapadala sa email address ayon sa account ng dating sisidlan. Hindi ibig sabihin na kung wala ka nang paraang mabuksan ang dating email address na iyon ay hindi ka maaabisuhan — umaasa kaming makakatulong ang mga pahayag tungkol sa paglilipat sa paghatid ng balita sa mga taong apektado nito. May listahan kami ng nalipat na sisidlan sa Open Doors (Translation) Special Collections Gallery.

Anong mangyayari kapag ang aking katha ay nalipat sa AO3?

Kapag ang iyong katha ay nalipat sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), may ilang bagay na mangyayari:

  1. May ipapadala kaming email sa email address na nakalagay sa nailipat na sisidlan, upang masabihan ka tungkol sa paglipat.
  2. Kung may account ka na sa AO3 gamit ang parehong email address na iyon, ang mga katha na ililipat ay awtomatikong ilalagay sa iyong account. (Kung may nailipat kang katha gamit ang URL Importer Feature sa AO3, hindi na ito ililipat ulit.)
  3. Kung may account ka na pero gamit ang ibang email address, maaari mo pa ring kunin ang iyong katha gamit ang claim link sa email.
  4. Kung wala kang account sa AO3 gamit ang parehong email address, iimbitahan kang gumawa ng account, at kunin ang iyong nailipat na katha at iugnay sa account na ginawa mo.
  5. Ang iyong mga nailipat na katha ay maaari lamang buksan ng mga nakalagdang tagagamit ng AO3 hanggang angkinin mo ang mga ito at piliin kung gusto mo silang makita nang lahat ng nagbabasa. Sa ibang kaso (lalo na kung ang dating sisidlan ay nakabukas sa lahat, at hihilingin ito ng tagapangasiwa) ang mga katha ay magiging bukas sa lahat matapos ang tatlong buwan kahit na naangkin man o hindi.
Paano kung wala akong account sa AO3?

Kung ang sisidlan ay inilipat sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), may ipadadalang email sa iyo. Kung wala kang account, iimbitahan kang gumawa ng isang AO3 account (hindi mo na kailangang pumila pa). Yay! Kung mayroon ka namang account, maaari mong angkinin ang katha gamit ang account na iyon.

Paano ko pamamahalaan ang aking mga nailipat na katha?
  • Kung ang email address na ginamit sa dating sisidlan ay pareho sa email na ginamit sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan):
    1. Makakatanggap ka ng email na nagsasabing nailipat at nakalagay na sa account mo ang iyong mga katha.
  • Kung nabubuksan mo pa ang email address na nakalagay sa account mo sa dating sisidlan, makakatanggap ka ng email na nagsasabing nalipat na ang iyong mga katha at ito ang maaari mong gawin:
    1. Angkinin ang mga katha sa AO3 at gumawa ang bagong account kung saan sila ay ilalagay (ang ibig sabihin nito ay magkakaroon ka ng AO3 account kung wala pa). Maaari ka nang mamatnugot, magbura, at iba pa, kagaya sa paraang ginagawa sa mga kathang ipinaskil mo sa AO3.
    2. Angkinin ang mga linipat na katha at ilagay sila sa ilalim ng AO3 account na mayroon ka na. Maaari ka nang mamatnugot, magbura, at iba pa, kagaya sa paraang ginagawa sa mga kathang ipinaskil mo sa AO3.
    3. Burahin ang inilipat na katha. Kung gagawin mo ito, maaari mo ring pigilan ang paglipat sa AO3 ng mga kathang nakaugnay sa email address na iyon.
    4. Ulilain ang inilipat na katha. Maiiwan ang katha sa AO3, ngunit aalisin mula sila sa pangangasiwa ng kahit anong user account. Maaari mong piliing alisin ang pangalang nakaugnay sa dating sisidlan, o hayaan itong makita bilang sagisag-panulat. (Tandaan: Kung pipiliin mong ulilain ang iyong mga katha, maaaring gustuhin mo munang suriin at alisin ang naiiwang impormasyon ukol sa iyo.)
  • Kung hindi mo na mabuksan ang email address na nakalagay sa dating sisidlan:
    1. Sabihan ang Open Doors gamit ang pangalan ng account sa dating sisidlan, gamit ng ibang impormasyon na nagsisilbing patunay na ikaw iyon.
Paano mahahanap ng iba ang aking katha?

Ang nilipat na sisidlan ay gagawing koleksyon sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), kaya mananatili itong naiiba at makikitang hiwalay sa buong sisidlan. Ang nilipat na katha ay makikita rin sa mga pangunahing pahina ng AO3 (kaya maaaring may bagong magbabasa!). Kung kakayanin, gagawa kami ng redirect mula sa dating sisidlang papuntang AO3: ibabalita namin ito depende sa sitwasyon.

Paano kung nagpaskil na ako ng kopya ng katha na ililipat sa AO3?

Kung nilipat mo ang katha sa AO3 mula sa orihinal na sisidlan gamit ang aming import feature, hindi na ililipat muli ang katha at ang kopya ay awtomatikong iuugnay sa bagong koleksyon. Kung mano-mano mong pinaskil ang katha o gumamit ka ng ibang url na pang-angkat, kailangan mong magpasiya kung ano ang gagawin sa nadobleng katha. Tandaan lamang na hangga’t maaari, ang web address ng inilipat na sisidlan ay mapupunta sa inilipat na kopya ng mga kathang ito (upang panatilihin ang rec lists at palatandaan), maaari mong:

  • Hintayin ang ginagawang merge tool na kayang pagsamahin ang hit counts at review ng parehong kopya, habang pinapanatili ang isang kopya ng katha (at gumagamit ng isang redirect link kung naaayon).
  • Burahin ang kopya na nailipat (masisira ang redirect link kung ginagamit ito), at isama ang kopya mo sa koleksyon na inilipat mula sa dating sisidlan.
  • Burahin ang naunang kopya sa AO3.
  • Kung naaayon, sabihan ang Open Doors upang baguhin ang redirect link mula sa dating sisidlan papunta sa kopyang naroon na sa AO3. Upang magawa ito, mangyaring ibahagi sa Open Doors ang pangalan ng iyong AO3 account, ang pangalan ng inilipat na sisidlan, at ang link sa kathang nais mong gamitin para sa redirect.
Bakit mo inililipat ang sisidlan sa AO3? Bakit hindi niyo i-host sa server ng OTW?

Ang pag-ingat ng kasaysayan ng mga tagahanga ay ang sentro ng aming misyon – mahal namin ang pagkamarami ng fandom at gustong naming maraming indibidwal na sisidlan, at kung hindi na kakayaning buhayin ng sisidlan, hindi pa rin ito mawawala. Habang gugustuhin naming panatilihin ang sisidlan mismo, masyadong marami ang kakailanganin: ang bawat sisidlan ay mangangailangan ng sariling espasyo sa server, isang pangkat ng coders na kayang baguhin at ayusin at code nito, mga moderators, at iba pa. Sa pamamagitan ng paglipat ng sisidlan sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) at paggawa ng bagong koleksyon para rito, magagawa naming panatilihin ang kamangha-manghang pagkamalikhain ng mga tagahanga at ang kaunting indibidwal na pagkakakilanlan, habang sinisiguro na isang set ng code lamang, isang grupo ng servers at isang pangkat para sa pagtulong ang aming sinusuportahan.

Paano kung ayaw kong ilipat ang aking mga katha?

Sabihan ang Open Doors gamit ang email address na ginagamit sa dating sisidlan na ililipat at humingi ng block para sa email na iyon. Ang pag-block ang magsisigurong hindi maglilipat ang mass importer ng katha na gumagamit ng address na iyon. Kung hindi mo na mabuksan ang email address na nais mong i-block, magbahagi ng impormasyon na nagsisilbing patunay sa iyong pagkakakilanlan. Sinisiguro namin na maingat naming susuriin at pag-iisipan ang bawat kaso nito.

Fan Culture Preservation Project (Proyekto para sa Pangangalaga ng Kultura ng mga Tagahanga)

Magkakaroon ba ng digital na anyo ang mga artsibo?

Maghahanap ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) at ang Unibersidad ng Iowa ng mga paraan upang i-digitize ang ilan sa mga materyal na ito, upang magkaroon ng akses ang mga tagahangang nais itong makita kahit na hindi sila makapunta sa Iowa, Estados Unidos. Umaasa kami na maabot ang maraming manlilikha ng mga gawang ito upang makuha ang kanilang pahintulot na ibahagi ang kanilang gawa nang mas malawak online.

Paano ang pribasiya ng tagahanga? Marami sa kanila ang naglathala ng katha gamit ang kanilang ligal na pangalan.

Binibigyang prayoridad ng Unibersidad ng Iowa at ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ang pagrespeto sa mga karapatan at pribasiya ng mga tagahanga. Isasama lamang sa karaniwang pampublikong listahan ang pamagat ng zine at fandom (halimbawa: Blake’s Seven: The Other Side 1, 3 [1986-1987]), kahalintulad ng paglilista sa isang magazine sa katalogo ng silid-aklatan. Gayunpaman, umaasa kaming makakuha ng pahintulot mula sa mga indibidwal na maykatha at tagapatnugot na maibahagi ang kanilang nilalaman nang mas malawak online.

Maaari ko bang mahiram ang mga materyal na ito sa pamamagitan ng mga inter-library loan program?

Mananatili ang mga bagay sa koleksyon sa Unibersidad ng Iowa. Gayunpaman, handa ang pangkat ng Special Collections (Espesyal na Koleksyon) na mag-photocopy at magpadala ng hanggang 100 kopya sa mga iskolar o ibang interesadong grupo sa presyong humigit-kumulang na 25 sentimo kada pahina, ayon sa kanilang karaniwang pamamaraan.

Maaari ko bang ihabilin ang aking fannish na koleksyon sa proyektong ito sa aking huling habilin?

Oo. Maaari ka naming tulungan sa mga naaangkop na salita para sa pamana.

Kung mayroon akong mga materyal na ibibigay bilang donasyon, sino ang nararapat kong kausapin?

Makipag-ugnayan sa komite ng Open Doors para matulungan ka sa pagbibigay donasyon sa proyektong ito.

Mayroon akong mga kahon (sa istante/silid/bahay) na puno ng mga zine! Hindi ko kayang ipadala ang mga ito sa Iowa!

Matulungan ka namin! Maaaring isaayos ng Fan Culture Preservation Project (Proyekto para sa Pangangalaga ng Kultura ng mga Tagahanga) hindi lamang ang selyo, kundi pati na rin ang pagkuha ng UPS sa mga donasyon. Huwag hayaan ang malaking gastusin o tambak na tambak na kahon na pigilan ka sa pagbibigay ng donasyon.

Mayroon bang pamantayan ang Fan Culture Preservation Project (Proyekto para sa Pangangalaga ng Kultura ng mga Tagahanga) tungkol sa mga donasyon ayon sa wika o pinagmulang bansa?

Wala: interesado pareho ang Fan Culture Preservation Project (Proyekto para sa Pangangalaga ng Kultura ng mga Tagahanga) at ang Unibersidad ng Iowa na mangolekta ng mga materyal mula sa mga tagahanga sa iba’t ibang panig ng mundo, kasama na ang mga materyal na hindi Ingles ang wika o mula sa mga bansang hindi nagsasalita ng Ingles. Gayunpaman, tulad ng mga donasyon sa Estados Unidos, dumedepende ang aming kakayahang makatulong sa pagpapadala sa mga mapagkukunang aming magagamit.

Memorial Archives

Ano ang Mga Sisidlang Pang-alaala ng AO3?

Ang Mga Sisidlang Pang-alaala ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay mga arkibo ng mga hangang-katha mula sa mga manlilikha na pumanaw na. Ginawa ng AO3 ang mga sisidlang ito sa pakikipagtulungan ng kamag-anak ng yumaong manlilikha o ng itinalagang tagapangalaga ng kanilang katha.

Layon ng mga koleksyong ito na mapanatili ang pamana ng mga manlilikha maging sa kanilang pagpanaw, at matiyak na mananatiling abeylabol ang kanilang mga katha.

May paraan ba na makagawa ng koleksyon para sa pumanaw na manlilikha sa AO3?

Maaari kang gumawa ng koleksyon para sa pumanaw na manlilikha sa pamamagitan ng mga sisidlan ng alaala sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Para magawa mo ito, dapat kamag-anak ka ng manlilikha o ikaw ang itinalagang tagapangalaga ng kanilang katha. Maaaring isumite ang mga kahilingan para sa mga koleksyon ng alaala sa aming form ng pakikipag-ugnayan. Matapos naming matanggap ang form, maaari na naming simulan ang proseso. Sa prosesong ito, kailangang pumirma ka at isang miyembro ng Open Doors ng isang Memorandum of Understanding (Kasunduan ng Pagkakaintindihan) kung saan idinidetalye ang mga tuntunin sa pag-aangkat, pag-aanunsyo sa koleksyon ng alaala, at paggawa ng archivist account (account para sa may-ari ng sisidlan) para sa iyo kung saan mo kung saan mo maaaring i-upload ang mga katha.

Nais kong makitang mai-angkat ang mga hangang-katha ng isang pumanaw na manlilikha bilang isang koleksyong pang-alaala, subalit hindi nila ako kamag-anak o ang itinakdang maging tagapangalaga ng kanilang katha. Mayroon ba akong maaaring gawin?

Sa Open Doors, ang mga kahilingan para sa mga sisidlan ng alaala ay maaari lamang gawin ng kamag-anak ng manlilikha o ng itinalagang tagapangalaga ng kanilang katha. Gayunpaman, kung nais mong makita na mai-angkat ang kanilang mga hangang-katha, maaari mo kaming kausapin gamit ang aming form ng pakikipag-ugnayan at, kung mayroon ka nito, magsama ng impormasyon tungkol sa kamag-anak ng manlilikha o ng itinalagang tagapangalaga ng kanilang katha.

Ano ang ibig sabihin ng “tagapangalaga ng iyong katha”?

Binibigyan ng kalayaan ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ang mga tagagamit na magtalaga ng isang tao upang mamahala ng iyong mga katha kung sakaling mamatay ka o mawalan ng kakayahan (na pamahalaan ito). Maaari lamang tumugon ang Open Doors sa mga kahilingan para sa mga sisidlang pang-alaala mula sa mga kamag-anak ng pumanaw na manlilikha o ng itinalagang tagapangalaga ng kanilang katha. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa tagapangalaga ng iyong katha at kung paano magtalaga ng isang tao para sa tungkuling ito, mangyaring tingnan ang FAQ ng AO3.